Konserbasyon at proteksyon ng mga ancestral domains, hatid ng NCIP at CIPFI

Pormal nang nilagdaan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at Conservation International Philippines Foundation Inc. (CIPFI) ang isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Lunes, 17 Pebrero 2025, upang palakasin ang mga programa ng konserbasyon at proteksyon sa ancestral domains.

Sa ilalim ng kasunduang ito, magiging tulay ang NCIP para sa mas matibay na kolaborasyon sa pagitan ng CIPFI at mga Katutubong Pamayanan upang palawakin ang Ancestral Domain Development programs sa pamamagitan ng biodiversity conservation, climate change mitigation, at sustainable development.

Mahigpit ding binibigyang-diin sa MOU ang pagkilala at paggalang sa kaalaman at mahalagang papel ng mga Katutubo sa pangangalaga ng kalikasan.

Pinangunahan nina NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las at CIPFI Country Executive Director Wilson John Barbon ang paglagda sa kasunduan sa Quezon City, na sinaksihan nina NCIP Executive Director Mervyn H. Espadero at CIPFI Policy Senior Manager Atty. John Colin Yokingco.

Ang MOU na ito ay isang mahalagang hakbang tungo sa mas inklusibo at epektibong konserbasyon ng kalikasan habang itinataguyod ang karapatan ng mga Katutubong Pamayanan sa kanilang lupang ninuno.