
Mas madali nang matatanggap ng mga nakatatandang Katutubo ang kanilang cash benefit sa ilalim ng Expanded Centenarian Act o Republic Act No. 11982 matapos lagdaan ng National Commission on Indigenous Peoples (NCIP) at National Commission of Senior Citizens (NCSC) ang isang Memorandum of Understanding (MOU) noong Lunes, 17 Pebrero 2025.
Sa ilalim ng pinalawak na batas, ang lahat ng Pilipino na edad 80, 85, 90, at 95 ay makatatanggap ng P10,000 cash gift, bukod pa sa P100,000 na matatanggap ng mga aabot sa 100 taong gulang.
Suliranin noon ang pagbeberipika at pagbibigay ng nasabing cash benefit para sa maraming Katutubong Pilipino dahil sa kakulangan ng mga pormal na dokumento gaya ng National ID o Birth Certificate na magpapatunay sa kanilang edad.
Sa ilalim ng MOU, magtatakda ng proseso ang NCIP para matukoy at maberipika ang edad ng mga kwalipikadong Katutubo. Ang prosesong ito ang susundin bago makapag-isyu ang NCIP ng sertipikasyon na kikilalanin ng NCSC bilang batayan sa pamamahagi ng cash benefit.
Bukod dito, patuloy ding magtutulungan ang NCIP at NCSC upang higit pang mapalakas ang mga programa at serbisyong para sa mga nakatatandang Katutubo
Pinangunahan ang paglagda ng MOU nina NCIP Chairperson Jennifer Pia Sibug-Las at NCSC Officer-in-Charge Dr. Mary Jean P. Loreche sa Quezon City, at sinaksihan nina NCIP Executive Director Mervyn H. Espadero, NCSC Acting Executive Director Emmanuel E. Daez, NCSC Commission Member IV Lt. Gen. Ricardo Rainier G. Cruz III (Ret.), at NCSC Commission Member IV Reymar M. Mansilungan.