Tumanggap ng mga alagang kalabaw at baka mula sa Department of Agriculture o DA ang mga katutubong Ayta Mag-indi at Ayta Mag-antsi sa bayan ng Porac sa Pampanga.

Ito ay bahagi ng convergence ng DA at National Commission on Indigenous Peoples o NCIP sa ilalim ng proyektong Kabuhayan at Kaunlaran Para sa Mga Kababayang Katutubo – Indigenous Peoples Culturally Responsive Socioeconomic, Agro/Aqua Technology, Ecology, and Special Services through the Integrated Ancestral Domain Development Approach o 4Ks-IP CREATESS IADDA.
 
Ayon kay NCIP Pampanga Community Service Center Chief Kevin Constantine Fonseca,
tumanggap ng apat na kalabaw at dalawang baka ang Samasama sa Kaunlaran para sa Pagsulong ng Barangay Ayta Inararo, Inc. sa pangunguna ni Inararo Punong Barangay at Ayta Leader Benzon King Jr.
 
Ayon kay King, malaking bagay ang mga alagang hayop na ito para sa kanilang mga gawaing pang-arikultura.
Matatandaan na nailunsad noong 2018 ang programang IP CREATESS IADDA ng NCIP sa kanilang lugar sa Inararo at ito ay mas lalong pinalakas ng pakikipagsanib-pwersa ng programang 4Ks ng DA.
 
Malugod ding tinanggap ang tatalong baka at isang kalabaw ng Usbong Katutubo Indigenous People Agriculture Cooperative sa pangunguna ng Pangulo nitong si Pari Popatco na isa ring katutubong lider sa barangay Camias.
Nagpasalamat si Popatco sa DA at NCIP at nangakong na kanilang pauunlarin ang mga alagang hayop.
Bilang bahagi ng sustainability ng 4Ks-IP CREATESS IADDA, inaasahan na sa mga darating na taon ay maibabahagi din sa iba pang miyembro ng organisasyon kung mapaparami nila ang mga alagang hayop na naibigay.
 
Sa isang pahayag, nagpasalamat si NCIP Regional Director Roland Calde sa DA sa patuloy nitong pagsuporta sa mga katutubong pamayanan sa rehiyon.
Aniya, nagiging posible ang ganitong mga convergence dahil na rin sa Whole-of-Nation Approach na ipinapatupad ng kasalukuyang administrasyon.
Dagdag pa niya, alinsunod din ito sa tema ng pandaigdigang pagdiriwang ng Araw ng mga Katutubo ngayong taon na “No One is Left Behind”.